Study Guide 1 Flashcards
Ano ang nilalaman ng Republic Act 1425 o Rizal Law?
Ipinag-uutos ng batas na ito na magkaroon ng kurso tungkol sa buhay at mga akda ni Rizal sa lahat ng eskuwelahan, kolehiyo, at unibersidad sa Pilipinas, pampubliko man o pampribado.
Bakit kailangang magkaroon ng Republic Act 1425 o Rizal Law? Anu-ano ang mga tinukoy na dahilan sa rasyonal nito?
1.) Hinihingi ng panahon na balikan natin ang mga ideyal ng kalayaan at nasyonalismo ng ating mga bayani.
2.) dapat nating parangalan ang ating mga bayani, partikular na si Rizal. Ginagawa natin ito kapag ginugunita natin ang kanilang buhay at gawa na humubog sa ating pagkabansa.
3.) Ang buhay at mga akda ni Rizal ay batis ng patriotismo. Ikinikintal dapat ang pagkamakabayan sa mga mag-aaral mula pa sa pagkabata.
4.) Dahil itinuturo dapat ng lahat ng eskuwelahan ang moralidad, personal na disiplina, kamalayang sibiko, at mga tungkulin ng pagkamamamayan.
Iginiit ng Rizal Law na kailangan natin ito “noon higit sa anumang panahon sa ating kasaysayan.” Ano ba ang kalagayang pulitikal at ekonomiko ng Pilipinas noon? Ilarawan ang kontekstong pangkasaysayan ng batas.
Naisabatas ang RA 1425 o Rizal Law noong Hunyo 12, 1956, sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Ramon Magsaysay.
Sina Sen. Claro M. Recto at Sen. Jose P. Laurel ang mga pangunahing tagapagsulong nito sa Kongreso.
10 taon lamang ang nakakalipas mula nang igawad ng Estados Unidos ang independensya ng Pilipinas.
Tulad ng mga karatig-bansa natin sa Timog Silangang Asya, sumasailalim ang Pilipinas sa proseso ng dekolonisasyon at pagbubuo ng nasyon- estado (nation-state building).
Kasabay nito ang matinding hamon at suliranin ng rehabilitasyon at rekonstruksyon mula sa malawakang pinsala ng nakaraang giyera mundiyal.
Sa kabila ng independensya, napanatili ng Estados Unidos ang impluwensya nito sa Pilipinas sa larangang pulitikal, ekonomiko at militar.
Gumamit ang Amerika ng iba’t ibang pamamaraang hayag (mga di-patas na kasunduan) at di-hayag (panghihimasok ng Central Intelligence Agency o CIA).
Tinuligsa ng mga nasyonalistang intelektuwal ang kaayusang ito bilang neokolonyalismo.
Bakit may probisyon tungkol sa (a) paggamit ng orihinal na akda ni Rizal sa antas na kolehiyo at (b) karapatan ng mag-aaral na magsampa ng eksempsyon sa pagbabasa ng Noli at Fili?
Madaling mahinuha na layon nitong pigilan ang pagpapabasa ng binago, binawasan, o nilinis (sanitized) na bersyon ng mga sulatin ni Rizal. Noong Mayo 12, 1956, nagkaroon ng isang bagong panukalang Batas Rizal na isinulat ni Sen. Jose P. Laurel batay sa mga rekomendasyon nina Sen. Roseller Lim at Sen. Emmanuel Pelaez. Bagama’t ang mga orihinal na akda ang ipapabasa sa kolehiyo, maaaring magsampa ng eksempsyon ang mga mag-aaral (De Viana 2009, 83). Sa isang banda, maaari nating tingnan ito bilang kompromiso – isang pagtitimbang ng mga nagtutunggaling posisyon.
Anong papel ang ginampanan ng mga nasyonalistang historyador (Agoncillo, Constantino, De la Costa) sa pagbubuo ng nasyon-estado (nation-state building)?
Ang bungad ng 1950s ay panahon ng pag- usbong ng iba’t ibang indibidwal at kilusang panlipunan (social movements) na nagtatangkang impluwensyahan at/o kontrolin ang proyekto ng pagbubuo ng nasyon-estado. Kabilang ang mga historyador na sina Teodoro Agoncillo, Renato Constantino at Horacio De la Costa sa mga nasyonalistang intelektuwal na nagsulong ng mga bagong pagbasa sa kasaysayan ng dantaon 19 at ng Himagsikang Pilipino ng 1896. Matingkad ang anti-konyalismo sa nasyonalistang historiograpiya nina Agoncillo at Constantino. Nasyonalista ring maituturing ang Heswitang historyador na si Horacio De la Costa. Ngunit palibhasa’y Heswita at hindi tumatangkilik ng mga kaisipang makakaliwa, hindi ganito ang uri ng nasyonalismo ni De la Costa. Mas may puwang ito sa pagkilala sa papel ng kolonyalismo sa prosesong historikal na nagsilang ng ating pagkabansa.
Saan nakaugat ang pagtutol ng hirarkiya ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas sa pagpapabasa ng mga akda ni Rizal sa mga mag-aaral?
Sa pananaw ng ilang pinuno ng Simbahang Katoliko, paglabag sa “kalayaan ng konsiyensya” (freedom of conscience) ang “di-makatuwiran” (unreasonable) at “di-makatarungang” (unjust) sapilitang (compulsory) pagpapabasa ng mga nobela ni Rizal sa mga Katolikong estudyante. Diumano, ito’y pagpipilit ng erehiya (heresy) sa kanila.
Bakit kapuri-puri ang posisyon ni Horacio De la Costa hinggil sa pagpapabasa ng mga akda ni Rizal?
Sinuri ni John Schumacher, SJ (2011) ang mga iniwang borador (drafts) ng isang pastorál (pastoral letter) na isinulat ni Horacio de la Costa para sa isang komite ng mga obispo (1951-1952).
May panukala noon na ipabasa sa pampublikong mataas na paaralan ang Pride of the Malay Race (1949) ni Roman Ozaeta (salin sa Ingles ng Biografía de Rizal [1949] ni Rafael Palma). Posibleng babala ang pahayag sa mga Katolikong babasa ng mga akda ni Rizal.
Noong 1956, sa kasagsagan ng mga debate ukol sa Rizal Bill, nagpakomisyon si Arsobispo Rufino Santos kay Padre Jesus Cavanna, CM ng isang bagong “Pahayag ng mga Obispo”.
Sinimulan ni Cavanna ang pahayag sa ilang positibong talata mula sa naunang borador ni De la Costa. Ngunit sa huli, kinundena at ipinagbawal nito ang pagpapabasa sa mga nobela ni Rizal.
Malayung-malayo ang makitid at depensibong posisyong ito sa iminungkahing lapit ni De la Costa sa pag- aaral ng mga akda ni Rizal.
Kinatatampukan ito ng historikal na kontekstuwalisasyon, panunuri, at anotasyon. Makikita natin sa tindig ni De la Costa na posibleng yakapin si Rizal ng mga Katoliko sa pamamagitan ng malalimang pagsusuring historikal. Na hindi pala monolitiko ang Simbahan sa pagkundena kay Rizal. Sa loob mismo nito, may iba’t ibang pagtingin kay Rizal at sa kanyang mga akda.