PHILIPPINE BILL OF RIGHTS Flashcards
Hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ari-arian ang sino mang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sino mang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.
Sek 1
Ang karapatan ng mga taong-bayan na magkaroon ng kapanatagan sa kanilang sarili, pamamahay, papeles, at mga bagay-bagay laban sa hindi makatwirang paghahaluglog at pagsamsam sa ano mang layunin ay hindi dapat labagin, at hindi dapat maglagda ng warrant sa paghalughog o warrant sa pagdakip maliban kung may malinaw na dahilan na personal na pagpapasyahan ng hukom matapos masiyasat ang may habla at ang mga testigong maihaharap niya sa ilalim ng panunumpa o patotoo, at tiyaking tinutukoy ang lugar na hahalughugin, at ang mga taong darakpin o mga bagay na sasamsamin.
Sek 2
Hindi dapat labagin ang pagiging lihim ng komunikasyon at korespondensya maliban sa legal na utos ng hukuman, o kapag hinihingi ang naiiba ng kaligtasan o kaayusan ng bayan ayon sa itinatakda ng batas.
Sek 3 (1)
Hindi dapat tanggapin para sa ano mang layunin sa alin mang hakbangin sa paglilitis ang ano mang ebidensya na nakuha nang labag dito sa sinusundang seksyon.
Sek 3 (2)
Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamahayagan, o sa karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan.
Sek 4
Hindi dapat magbalangkas ng batas para sa pagtatatag ng relihiyon, o nagbabawal sa malayang pagsasa-gamit nito. Dapat ipahintulot magpakailanman ang malayang pagsasagamit at pagtatamasa ng pagpapahayag ng relihiyon at pagsamba nang walang pagtatangi o pamimili. Hindi dapat kailanganin ang pagsusulit panrelihiyon sa pagsasagamit ng mga karapatang sibil o pampulitika.
Sek 5
Hindi dapat bawalan ang kalayaan sa paninirahan at ang pagbabago ng tirahan sa saklaw ng mga katakdaang itinatadhana ng batas maliban sa legal na utos ng hukuman. Ni hindi dapat bawalan ang karapatan sa paglalakbay maliban kung para sa kapakanan ng kapanatagan ng bansa, kaligtasang pambayan, o kalusugang pambayan ayon sa maaaring itadhana ng batas.
Sek 6
Dapat kilalanin ang karapatan ng mga taong-bayan na mapagpabatiran hinggil sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa tanan. Ang kaalaman sa mga opisyal na record, at sa mga dokumento at papeles tugkol sa mga opisyal na gawain, transaksyon, o pasya, gayon din sa mga datos sa pananaliksik ng pamahalaan na pinagbabatayan ng patakaran sa pagpapaunlad ay dapat ibigay sa mamamayan sa ilalim ng mga katakdaang maaaring itadhana ng batas.
Sek 7
Hindi dapat hadlangan ang karapatan ng mga taong bayan kabilang ang mga naglilingkod at pribadong sektor na magtatag ng mga asosasyon, mga union o mga kapisanan sa mga layuning hindi lalabag sa batas.
Sek 8
Ang mga pribadong ari-arian ay hindi daapat kunin ukol sa gamit pambayan nang walang wastong kabayaran.
Sek 9
Hindi dapat magpatibay ng batas na sisira sa pananagutan ng kontrata.
Sek 10
Hindi dapat ipagkait sa isang tao ang malayang pagdulog sa mga hukuman at sa mga kalupunang mala-hukuman at sapat na tulong pambansa nang dahil sa kahirapan.
Sek 11
Ang sino mang tao na sinisiyasat dahil sa paglabag ay dapat magkaroon ng karapatang mapatalastasan ng kanyang karapatang magsawalang kibo at magkaroon ng abogadong may sapat na kakayahan at malayang lalong kanais-nais kung siya ang maypili. Hindi maiuurong ang karapatang ito maliban kung nakasulat at sa harap ng abugado.
Sek 12 (1)
Hindi siya dapat gamitan ng malabis na pagpapahirap, pwersa, dahas, pananakot, pagbabanta, o ano mang paraan na pipinsala sa kanyang malayang pagpapasya. Ipinagbabawal ang mga lihim na kulungan, solitary, ingkomunikado o iba pang katulad ng anyo ng detensyon.
Sek 12 (2)
Hindi dapat tanggaping ebidensya laban sa kanya ang ano mang pagtatapat o pag-amin na nakuha nang labag sa seksyong ito o sa seksyong labing pito.
Sek 12 (3)